Pagdiriwang ng Buwan ng Wika: Isang Makulay na Pagkatapos sa ALIAC
Matagumpay na isinara ng ALIAC ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika noong Setyembre 6, 2024. Ang Basic Education Department ay nagdaos ng kanilang selebrasyon sa umaga, habang ang College Department naman ay nagkaroon ng kanilang makulay na pagtatanghal sa hapon. Sa pagtatapos ng selebrasyon, ibinida ng mga estudyante ang kanilang mga talento sa iba’t ibang pagtatanghal, na nagpakita ng kanilang pagmamahal at pagpapahalaga sa kultura at wika ng Pilipinas. Nagkaroon ng makukulay na sayaw, musika, at mga pagtatanghal na nagpapakita ng diwa ng pagka-Pilipino, na may layuning patuloy na palaganapin at payabungin ang ating pambansang wika.
Ang tema ng selebrasyon ng Basic Education Department ay “Filipino: Wikang Mapagpalaya”, kung saan isinagawa ang mga tradisyunal na larong Pinoy tulad ng tumbang preso, holen, at piko. Nagkaroon din ng mga aktibidad gaya ng mailing kwento, paggawa ng poster, at mga malikhaing larawan ng mga pagkaing Pilipino na nagbigay ng sigla at tuwa sa mga kabataan.
Pinangunahan ng Kagawaran ng General Education ang selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa at Kasaysayan sa College Department, sa ilalim ng temang “Wika ng Pagkakaisa at Kalayaan: Patnubay ng FIDES sa Bagong Hinaharap.” Nagdaos ng iba’t ibang paligsahan tulad ng foto-kwento, pag-awit ng kundiman, pagsulat ng sanaysay, modernong balagtasan, paggawa ng parody, at paggawa ng samalamig, kung saan ipinakita ng mga estudyante ang kanilang malikhaing husay at kaalaman sa kulturang Pilipino.
Bawat departamento ay nagsipag sa pag-set up ng kani-kanilang mga mesa o booth, kung saan ibinenta nila ang mga lutong Pinoy at mga masasarap na pagkaing Pilipino. Ito ay nagbigay ng karagdagang kulay at saya sa kabuuan ng selebrasyon, at higit pang nagpalapit sa bawat isa sa masiglang diwa ng Buwan ng Wika.
Ang matagumpay na selebrasyong ito ay nagpatunay sa dedikasyon ng ALIAC na isulong ang pagmamahal sa sariling wika at kultura, at patuloy na magbigay-inspirasyon sa mga estudyante na ipagmalaki ang kanilang pagiging Pilipino.